Bakit Makapangyarihang Diyos ang Pangalang Ginamit ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian?

Yamang ang Makapangyarihang Diyos ang pagbabalik ng Panginoong Jesus sa mga huling araw, maraming tao ang hindi nakakaunawa kung bakit tinatawag na Makapangyarihang Diyos ang Panginoong Jesus kapag dumarating Siya para gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Bakit hindi Siya patuloy na tawaging Panginoong Jesus? Sa katunayan, may bagong pangalan ang Diyos tuwing ginagawa Niya ang isang yugto ng Kanyang gawain. Ang bagong pangalang ito ang ginagamit ng Diyos Mismo dahil akma sa gawain — hindi ito isang pangalan na itinatawag sa kanya ng mga tao dahil gusto nila. Ang pangalang ginagamit ng Diyos sa bawat yugto ng gawain ay nakabase sa Biblia. Ang pangalan ng nagbalik na Panginoong Jesus ng mga huling araw ay matagal nang ipinropesiya sa Biblia. Sabi ni Isaias: “At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran, at ng lahat na hari ang inyong kaluwalhatian; at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan, na ipangangalan ng bibig ng Panginoon” (Isaias 62:2). Sa Aklat ng Pahayag, sinabi rin na: “At sa anghel ng iglesia sa Filadelfia ay isulat mo…. Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya’y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking sariling bagong pangalan” (Pahayag 3:7, 12). “Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat” (Pahayag 1:8). “At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagka’t naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat” (Pahayag 19:6). Ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos ng Kapanahunan ng Kaharian ang lubos na katuparan ng mga propesiya sa Aklat ng Pahayag. Ang pangalang ginagamit ng Diyos sa bawat kapanahunan ay may malalim na kabuluhan at malapit ang kaugnayan sa gawain ng Diyos sa kapanahunang iyon. Inihayag ng Makapangyarihang Diyos ang mga hiwagang may kaugnayan dito nang sabihin Niyang: “Sa bawat kapanahunan, gumagawa ang Diyos ng mga bagong gawain at Siya ay tinatawag sa bagong pangalan; paano Niya naisasagawa ang parehong gawain sa magkaibang kapanahunan? Paano Siya nananatili sa luma? Ang pangalan ni Jesus ay ginamit para sa gawain ng pagtubos, kaya matatawag pa rin ba Siya sa parehong pangalan kapag Siya ay bumalik sa mga huling araw? Isasagawa pa rin ba Niya ang gawain ng pagtubos? Bakit iisa lang si Jehova at si Jesus, ngunit Sila ay tinatawag sa magkaibang pangalan sa magkaibang kapanahunan? Hindi ba dahil magkaiba ang mga kapanahunan ng Kanilang gawain? Maaari bang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuoan ang iisang pangalan lamang? Sa paraang ito, nararapat na tawagin ang Diyos sa ibang pangalan sa ibang kapanahunan, nararapat gamitin ang pangalan upang baguhin ang kapanahunan at kumatawan sa kapanahunan, dahil walang anumang pangalan ang ganap na kakatawan sa Diyos Mismo. At ang bawat pangalan ay maaari lang kumatawan sa disposisyon ng Diyos sa isang tiyak na kapanahunan at kailangan lang upang kumatawan sa Kanyang gawain. Samakatuwid, maaaring mamili ang Diyos ng anumang pangalan na angkop sa Kanyang disposisyon upang kumatawan sa buong kapanahunan. Hindi alintana kung ito man ay kapanahunan ni Jehova, o ang kapanahunan ni Jesus, ang bawat kapanahunan ay kinakatawan ng isang pangalan” (mula sa “Ang Pananaw ng Gawain ng Diyos (3)”).

“‘Jehova’ ang pangalan na kinuha Ko sa panahon ng Aking gawain sa Israel, at ito ay nangangahulugan na ang Diyos ng mga Israelita (ang piniling bayan ng Diyos) na maaring naaawa sa tao, sinusumpa ang tao, at gumagabay sa buhay ng tao. Nangangahulugan ito na ang Diyos na nag-aangkin ng dakilang kapangyarihan at puspos ng karunungan. Si ‘Jesus’ ay si Emmanuel, at ito’y nangangahulugang ang alay dahil sa kasalanan na puspos ng pagmamahal, puspos ng habag, at tumutubos sa tao. Ginawa Niya ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya, at kinakatawan ang Kapanahunan ng Biyaya, at maaari lamang kumatawan sa isang bahagi ng plano sa pamamahala. Na ang ibig sabihin, tanging si Jehova ang Diyos ng piniling bayan ng Israel, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob, ang Diyos ni Moises, at ang Diyos ng lahat ng tao ng Israel. At sa gayon sa kasalukuyang panahon, lahat ng mga Israelita maliban sa tribo ni Juda ay sumasamba kay Jehova. Nag-aalay sila sa Kanya ng mga hain sa altar, at naglilingkod sa Kanya na suot ang mga mahahabang damit ng mga pari sa templo. Ang inaasahan nila ay ang pagpapakitang muli ni Jehova. Tanging si Jesus ang Manunubos ng sangkatauhan. Siya ang alay sa kasalanan na tumubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan. Na ang ibig sabihin, ang pangalan ni Jesus ay nanggaling sa Kapanahunan ng Biyaya, at umiral dahil sa gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalan ni Jesus ay umiral upang hayaan ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya upang muling isilang at maligtas, at isang tanging pangalan para sa pagtubos ng buong sangkatauhan. At sa gayon ang pangalan ni Jesus ay kumakatawan sa gawain ng pagtubos, at nagpapahiwatig ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalang Jehova ay isang tanging pangalan para sa mga tao sa Israel na namuhay sa ilalim ng kautusan. Sa bawat kapanahunan at bawat yugto ng gawain, ang Aking pangalan ay hindi walang basehan, subalit pinanghahawakan ang kinakatawang kabuluhan: Bawat pangalan ay kumakatawan sa isang kapanahunan. Ang ‘Jehova’ ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, at ito ay pamitagan para sa Diyos na sinasamba ng bayan ng Israel. Ang ‘Jesus’ ang kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ito ang pangalan ng Diyos sa lahat ng tao na natubos sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung pinananabikan pa rin ng tao ang pagdating ni Jesus na Tagapagligtas sa panahon nang mga huling araw, at umaasa pa rin na Siya ay darating sa imahe na Kanyang dala sa Judea, samakatwid ang buong anim-na-libong-taon ng plano sa pamamahala ay titigil sa Kapanahunan ng Pagtubos, at magiging walang kakayanan na umunlad pa nang anumang karagdagan. Ang mga huling araw, bukod diyan, kailanman ay di-darating, at ang kapanahunan ay hindi madadala kailanman sa katapusan nito. Iyon ay dahil sa si Jesus na Tagapagligtas ay tanging para sa pagtubos at pagliligtas ng sangkatauhan. Inako Ko ang pangalang Jesus para sa kapakanan ng lahat ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, at hindi ang pangalan na kung saan Aking dadalhin ang sangkatauhan sa isang katapusan. Bagaman si Jehova, Jesus, at ang Mesias ay lahat kumakatawan sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay nagpapahiwatig lamang ng iba-ibang mga kapanahunan sa Aking plano sa pamamahala, at hindi kumakatawan sa Akin sa Aking kabuuan. Ang mga pangalan na siyang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi maaaring ipaliwanag nang malinaw ang Aking buong disposisyon at ang lahat-lahat na Ako. Ang mga ito ay iba’t-ibang mga pangalan lamang na katawagan sa Akin sa iba’t-ibang kapanahunan. At sa gayon, kapag ang panghuling kapanahunan — ang kapanahunan ng mga huling araw — ay dumating, ang Aking pangalan ay magbabagong muli. Hindi na Ako tatawaging Jehova, o Jesus, higit na hindi Mesias, ngunit tatawaging ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito, dadalhin Ko ang buong kapanahunan sa isang katapusan. Minsan na Akong kinilala bilang Jehova. Ako rin ay tinawag na ang Mesias, at minsan na Akong tinawag ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas sapagkat minahal at iginalang nila Ako. Subalit ngayon hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao sa nakalipas na mga panahon — Ako ang Diyos na bumalik sa mga huling araw, ang Diyos na magdadala sa kapanahunan sa isang katapusan. Ako ang Diyos Mismo na bumabangon mula sa mga dulo ng mundo, puno sa Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan at kaluwalhatian” (mula sa “Ang Tagapagligtas ay Nakabalik na sa Ibabaw ng ‘Puting Ulap’”).

Malinaw na sinabi ng Makapangyarihang Diyos na may kinikilalang kabuluhan sa pangalang ginagamit ng Diyos sa bawat kapanahunan: Bawat isa ay kumakatawan sa gawain ng Diyos at sa disposisyong ipinapahayag Niya sa panahong iyon. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ginamit ng Diyos ang pangalang Jehova para ipahayag ang Kanyang mga batas at kautusan at gabayan ang buhay ng sangkatauhan sa lupa; sa Kapanahunan ng Biyaya, ginamit ng Diyos ang pangalang Jesus para gawin ang gawaing pagtubos sa sangkatauhan; at sa Kapanahunan ng Kaharian, tinatawag na Makapangyarihang Diyos ang Diyos, ginagawa Niya ang gawain ng paghatol simula sa tahanan ng Diyos para padalisayin, baguhin, at iligtas ang tao. Binabago ng Diyos ang kapanahunan gamit ang Kanyang pangalan, at ginagamit ang pangalang ito para kumatawan sa gawain ng kapanahunang iyon. Nang gawin ng Diyos na si Jehova ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, maaari lang mapagpala at maprotektahan ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagdarasal sa pangalan ni Jehova at pagsunod sa Kanyang mga batas at kautusan. Pagsapit ng Kapanahunan ng Biyaya, ginamit ng Diyos ang pangalang Jesus para gawin ang gawaing pagtubos, at kinailangan lang tanggapin ng mga tao ang Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas, at magdasal para sa pagsisisi sa pangalan ng Panginoon, mapatawad sa kanilang mga kasalanan at matamasa ang katotohanan at biyayang ipinagkaloob ng Panginoong Jesus. Nang kumapit pa rin ang mga tao sa pangalang Jehova at tumangging tanggapin ang Panginoong Jesus, nawala sa kanila ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at nasadlak sila sa kadiliman, isinumpa at pinarusahan ng Diyos gaya ng mga Fariseong Judio. Sa pagdating ng mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang pangalang Makapangyarihang Diyos para isagawa ang gawain ng paghatol simula sa tahanan ng Diyos. Tanging sa pagtanggap sa pangalan ng Makapangyarihang Diyos, pagsunod sa mga yapak ng Kanyang gawain, at pagdanas ng Kanyang paghatol at pagkastigo na mauunawaan at matatamo ng mga tao ang katotohanan, makakalaya mula sa kasalanan, mapapadalisay, at maliligtas ng Diyos. Lahat ng ayaw tumanggap sa pangalan ng Makapangyarihang Diyos at tumatanggi sa Kanyang gawaing paghatol sa mga huling araw ay hindi mapapalaya ang kanilang sarili sa pagkaalipin sa kasalanan, at hindi magiging karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit magpakailanman.