Kailangang mahiwatigan ng mga mananampalataya ang mga huwad na pastol at mga anticristo para iwaksi

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

Ganito ang sabi ng Panginoong Jehova: Sa aba ng mga pastor ng Israel na pinakakain ang kanilang sarili! Hindi baga dapat pakanin ng mga pastor ang mga tupa? Kayo’y nagsisikain ng gatas, at kayo’y nangananamit sa inyo ng lana, inyong pinapatay ang mga pinataba; nguni’t hindi ninyo pinakakain ang mga tupa. Hindi ninyo pinalakas ang payat, o inyo mang pinagaling ang may sakit, o inyo mang tinalian ang may bali, o inyo mang ibinalik ang iniligaw, o inyo mang hinanap ang nawala; kundi inyong pinagpunuang may karahasan at may kahigpitan” (Ezekiel 34:2–4).

Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila” (Mateo 7:15).

Sila’y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay” (Mateo 15:14).

“Sapagka’t maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo” (2 Juan 1:7).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang gawain ng isang hindi karapat-dapat na manggagawa ay malayung-malayo; ang kanyang gawain ay kahangalan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga alituntunin; ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi naiiba sa bawat indibiduwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, mayroong napakaraming alituntunin at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad o sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang itong magbigay-kakayahan sa mga tao na makatayo sa kaunti at walang-halagang mga tuntunin. Ang ganitong uri ng paggabay ay maaaring magdulot lamang sa mga tao na maligaw. Inaakay ka niya na maging katulad ng kung ano siya; madadala ka niya tungo sa kung anong mayroon siya at kung ano siya. Upang matalos ng mga tagasunod kung ang mga pinuno ay karapat-dapat, ang susi ay tumingin sa landas na pinangungunahan nila at sa mga bunga ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga tagasunod ay nakakatanggap ng mga prinsipyong kaayon sa katotohanan, at kung nakakatanggap sila ng mga daan ng pagsasagawa na angkop sa kanila para mabago. Kailangan mong alamin ang pagkakaiba sa pagitan ng iba’t ibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; huwag kang maging hangal na tagasunod. Ito ay makakaapekto sa usapin ng iyong pagpasok. Kung hindi mo kayang makilala kung aling pamunuan ng tao ang may daan at alin ang wala, madali kang madadaya. Lahat ng ito ay may tuwirang kaugnayan sa iyong sariling buhay.

—mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at mga pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at mga katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga tao na sumusunod sa kanila sa mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensiyahan ng ilan sa kung ano sila. Nakatuon sila sa mga kaloob, mga kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay sila ng pansin sa mga higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalalim na di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang ganitong malalalim na doktrina ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon ng pansin sa mga pagbabago sa disposisyon ng mga tao, sa halip ay nakatuon sila sa pagsasanay sa pangangaral ng mga tao at mga kakayahan sa paggawa, pinabubuti ang kaalaman ng mga tao at saganang relihiyosong mga doktrina. Hindi sila nakatuon sa kung gaano kalaki sa disposisyon ng mga tao ang nababago o gaano karaming tao ang nakauunawa sa katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, ni sinusubukang alamin ang normal at di-normal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga pagkaunawa ng mga tao o ibinubunyag ang kanilang mga pagkaunawa, lalong hindi inaayos ang kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga tao na sumusunod sa kanila ay naglilingkod sa pamamagitan ng likas nilang mga kaloob, at ang kanilang ipinahahayag ay kaalaman at malabong relihiyosong katotohanan, na hindi makatotohanan at lubusang hindi nakapagbibigay ng buhay sa mga tao. Sa totoo lang, ang diwa ng kanilang gawain ay pag-aalaga sa kakayahan, pag-aalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa isang matalinong nagtapos sa seminaryo na nang maglaon ay gumagawa at nangunguna.

—mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Maraming tao sa Aking likuran ang nag-iimbot sa pagpapala ng katayuan, nagpapasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog at masusing pinangangalagaan ang laman, laging natatakot na walang paraan upang makaiwas sa laman. Hindi nila ginagampanan ang kanilang karaniwang tungkulin sa iglesia, at kumakain nang walang bayad, o kaya ay pinagsasabihan ang kanilang mga kapatiran gamit ang Aking mga salita, nagmamataas sila at pinaghaharian ang iba. Palaging sinasabi ng mga taong ito na ginagawa nila ang kalooban ng Diyos, lagi nilang sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba ito katawa-tawa? Kung ikaw ay may matuwid na mga adhikain, nguni’t hindi naglilingkod ayon sa kalooban ng Diyos, kung gayon ikaw ay nananatiling hangal; nguni’t kung ang iyong mga adhikain ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay naglilingkod sa Diyos, kung gayon ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at marapat parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa mga naturang tao! Sa bahay ng Diyos kumakain sila nang libre, at laging hinahangad ang kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos; lagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila, hindi nila pinapansin ang kalooban ng Diyos, ang lahat ng kanilang ginagawa ay hindi tinitingnan ng Espiritu ng Diyos, lagi silang nanlilinlang at nagbabalak ng masama laban sa kanilang mga kapatid, at doble-kara sila, parang isang soro sa isang ubasan, laging nagnanakaw ng mga ubas at tinatapak-tapakan ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay angkop upang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? Hindi mo kinukuha ang pananagutan sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay angkop para tanggapin ang tagubilin ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang mangahas ang Diyos na magtiwala sa iyo ng mas mabigat na gawain? Hindi mo ba inaantala ang mga bagay-bagay?

—mula sa “Paano Maglingkod Nang Kaayon sa Kalooban ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ikaw ay naglilingkod sa Diyos gamit ang iyong likas na karakter, at ayon sa iyong personal na mga kagustuhan; ano pa nga ba, patuloy mong iniisip na nalulugod ang Diyos sa anumang nais mong gawin, at napopoot sa anumang hindi mo nais gawin, at lubusan kang ginagabayan ng iyong sariling mga kagustuhan sa iyong gawain. Maaari bang matawag itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang iyong disposisyon sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, ikaw ay lalong magiging mas matigas ang ulo sapagka’t napaglilingkuran mo ang Diyos, at gagawin nito ang iyong tiwaling disposisyon na nakatanim nang malalim. Sa paraang ito, bubuo ka sa iyong loob ng mga alituntunin tungkol sa paglilingkod sa Diyos na pangunahing batay sa iyong sariling karakter, at sa karanasang nakuha mula sa iyong paglilingkod ayon sa iyong sariling disposisyon. Ito ang aral mula sa karanasan ng tao. Ito ang pilosopiya ng tao sa buhay. Ang mga taong katulad nito ay nabibilang sa mga Fariseo at mga relihiyosong namumuno. Kung hindi sila kailanman magising at magsisi, sa kahuli-hulihan sila ay magiging mga huwad na Cristo na lilitaw sa mga huling araw, at magiging mga manlilinlang ng mga tao. Ang sinabi noon na mga huwad na Cristo at manlilinlang ay magmumula sa ganitong uri ng tao. Kung yaong mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa kanilang sariling karakter at kumikilos ayon sa kanilang sariling kalooban, kung gayon sila ay nasa panganib na mapalayas anumang oras. Yaong mga gumagamit ng maraming taon ng karanasan nila sa paglilingkod sa Diyos upang mahalin sila ng iba, pangaralan at sawayin nila ang iba, at manatili sa mataas na posisyon—at hindi nagsisisi kailanman, hindi kailanman nangungumpisal ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman nagtatatwa sa mga benepisyo ng posisyon—ang mga taong ito ay mahuhulog sa harapan ng Diyos. Sila ang mga uri ng tao na katulad ni Pablo, ipinangangahas ang kanilang pagiging nauna sa panunungkulan at ipinagmamagaling ang kanilang mga kwalipikasyon. Hindi dadalhin ng Diyos ang mga taong tulad nito sa pagkaperpekto. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay humahadlang sa gawain ng Diyos.

—mula sa “Dapat Ipagbawal ang Relihiyosong Paraan ng Paglilingkod” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Bakit ba gumugugol ang karamihan sa mga tao ng maraming pagsisikap sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nguni’t pagkatapos ay taglay lamang ang kaalaman at walang masasabing anuman tungkol sa isang totoong landas? Iniisip mo ba na ang pagkakaroon ng kaalaman ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng katotohanan? Hindi ba iyon isang litong pananaw? Nakakapangusap ka ng maraming kaalaman na kasingdami ng buhangin sa dalampasigan, datapwa’t wala sa mga ito ang naglalaman ng anumang tunay na landas. Sa ganito, hindi mo ba niloloko ang mga tao? Hindi ka ba gumagawa ng hungkag na palabas na walang anumang sumusuporta rito? Ang lahat ng ganyang asal ay nakapipinsala sa mga tao! Mas mataas ang teorya, mas walang-wala itong realidad, at mas walang kakayahan ito na dalhin ang mga tao sa realidad; mas mataas ang teorya, mas ginagawa ka nitong lumaban at sumalungat sa Diyos. Huwag mong tratuhin ang pinakamatatayog na teorya tulad ng mahalagang kayamanan; sila ay mapaminsala at walang silbi! Marahil may ilang tao na kayang makapagsalita sa pinakamatatayog na teorya—nguni’t ang mga ganoong teorya ay hindi naglalaman ng realidad, sapagka’t ang mga taong ito ay hindi personal na nakaranas sa kanila, at sa gayon wala silang landas sa pagsasagawa. Ang mga ganoong tao ay walang kakayahang dalhin ang tao sa tamang daanan, at ihahantong lamang ang mga tao na maligaw. Hindi ba ito nakapipinsala sa mga tao? Sa pinakamababa, dapat mong makayanang lutasin ang kasalukuyang mga gulo at hayaan ang mga tao na makamit ang pagpasok; ito lamang ang maituturing bilang debosyon, at tanging sa gayon ikaw ay magiging kwalipikadong gumawa para sa Diyos. Huwag palaging nangungusap ng mararangya, mabulaklak na mga salita, at huwag itali ang mga tao at gawin silang sumunod sa iyo kasama ang iyong maraming hindi-angkop na mga pagsasagawa. Ang magsagawa ng ganoon ay walang epekto, at maaari lamang makadagdag sa pagkalito ng mga tao. Ang pangunahan ang mga tao sa ganitong paraan ay makapagdudulot ng maraming piraso ng regulasyon, na kung saan gagawin ang mga tao na kasuklaman ka. Ito ay pagkukulang ng tao, at ito ay tunay na kahiya-hiya.

—mula sa “Magtuon nang Higit na Pansin sa Realidad” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kapag ang mga karaniwang tao ay nagbibigay ng mga kuru-kuro tungkol sa inyo na mga pinuno, sinasabi ninyo: “Humph, paano ka nagiging marapat na magbigay ng mga kuru-kuro tungkol sa akin? Gaano karaming sermon ang naibibigay mo? Gaano karaming tao ang napangungunahan mo? Anong nagagawa mo?” Na para bang kayo ay karapat-dapat. Kung magpapatuloy kayo sa paraang ito mapapahamak kayo; maaaring maglingkod kayo panandalian, ngunit magkakamali naman kayo. Sa ganang inyo, kung ang mga iglesia sa isang dako ay ipinasa sa inyo at walang namamatnubay sa inyo sa loob ng anim na buwan, mag-uumpisa kayong maligaw. Kung walang namatnubay sa iyo sa loob ng isang taon, ilalayo at ililigaw mo sila ng landas. Kung dalawang taon ang lumipas at wala pa ring namamatnubay sa ’yo[m1], dadalhin mo sila sa harapan mo. Bakit ganito? Naisaalang-alang mo na ba ang tanong na ito dati? Maaari kayang ganito kayo? Ang kaalaman ninyo ay makakapagtustos lamang sa mga tao sa loob ng isang partikular na panahon. Habang lumalakad ang panahon, kung paulit-ulit mong sinasabi ang parehong bagay, matatalos ng ilang tao iyan; sasabihin nilang napakababaw mo, kulang na kulang sa lalim. Wala kang pagpipilian kundi sikaping linlangin ang mga tao sa pangangaral ng mga doktrina. Kung lagi kang nagpapatuloy nang ganito, yaong mga nasa ilalim mo ay susunod sa iyong mga pamamaraan, mga hakbang, at halimbawa ng pananampalataya at pagdaranas at pagsasagawa ng mga salita at doktrinang iyon. Sa kasukdulan, habang patuloy kang nangangaral nang nangangaral, lahat sila’y gagamit sa iyo bilang isang halimbawa. Sa iyong pamumuno sa iba nagsasalita ka tungkol sa mga doktrina, kaya ang mga nasa ilalim mo ay matututo ng mga doktrina mula sa iyo, at habang nagpapatuloy ang mga bagay-bagay nalakaran mo na ang maling landas. Ang mga nasa ilalim mo ay lalakaran ang anumang landas na ginagawa mo; lahat sila’y matututo mula sa iyo at susunod sa iyo, kaya mararamdaman mo: “Makapangyarihan na ako ngayon; kaya maraming tao ang nakikinig sa akin, at ang iglesia ay sunud-sunuran sa akin.” Ang pagkakanulong ito sa loob ng tao ay di-namamalayang nagsasanhi sa iyo na gawing tau-tauhan lang ang Diyos, at ikaw naman mismo ay nagtatayo ng isang uri ng denominasyon. Paano naglilitawan ang iba-ibang denominasyon? Naglilitawan sila sa ganitong paraan. Masdan mo lang ang mga pinuno ng bawat denominasyon—lahat sila’y mapagmataas at mapagmalinis, at binibigyang-kahulugan nila ang Biblia nang wala sa konteksto at ayon sa kanilang sariling imahinasyon. Lahat sila’y umaasa sa mga kaloob at pag-aaral sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila’y walang kakayahang mangaral ng anuman, susunod ba sa kanila ang mga taong iyon? Sila, kung sa bagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman, at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam kung paano makaakit ng iba at paano gumamit ng ilang pagkukunwari. Ginagamit nila ang mga ito para dalhin ang mga tao sa harapan nila at linlangin sila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, nguni’t sa realidad sinusunod nila ang kanilang mga pinuno. Kung nakakatagpo sila ng sinumang nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila’y nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming pinuno tungkol sa aming pananampalataya.” Ang kanilang pananampalataya ay dapat dumaan sa isang tao; hindi ba problema iyan? Nagiging ano na kung gayon ang mga pinunong iyan? Hindi ba sila nagiging mga Fariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang mga ganyang tao ay kaparehong uri ni Pablo.

—mula sa “Tanging ang Paghahabol sa Katotohanan ang Tunay na Paniniwala sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Kapag nagiging tao ang Diyos at gumagawa kasama ang mga tao, ang lahat ay namamasdan ang Diyos at napapakinggan ang Kanyang mga salita, at nakikita ng lahat ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Sa panahong iyon, ang lahat ng pagkaintindi ng tao ay naglalahong parang bula. At para sa mga nakakakita sa Diyos na nagpapakita sa katawang-tao, ang lahat ng may pagsunod sa kanilang mga puso ay hindi mahuhusgahan, samantalang yaong mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay yaong ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga naturang tao ay mga anticristo at mga kalaban na kusang-loob na naninindigan laban sa Diyos. Yaong may mga pagkaintindi tungkol sa Diyos nguni’t may kagalakang sumusunod ay hindi huhusgahan. Hinuhusgahan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga layunin at mga kilos, hindi kailanman sa kanyang mga kaisipan at mga ideya. Kung ang tao ay hinusgahan sa ganitong batayan, kung gayon wala ni isa ang makatatakas sa mabagsik na mga kamay ng Diyos. Yaong mga kusang-loob na naninindigan laban sa Diyos na nagkatawang-tao ay mapaparusahan dahil sa kanilang pagsuway. Ang kusang-loob nilang pagsalungat sa Diyos ay nagmumula sa kanilang mga pagkaintindi tungkol sa Kanya, na nagbubunga ng kanilang paggambala sa gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay sadyang lumalaban at sumisira sa gawain ng Diyos. Hindi lamang sa mayroon silang mga pagkaintindi sa Diyos, subali’t ginagawa nila ito upang magambala ang Kanyang gawain, at dahil sa kadahilanang ito na ang ganitong pag-uugali ng mga tao ay huhusgahan.

—mula sa “Ang Lahat ng Hindi Kilala ang Diyos ay Yaong Sumasalungat sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kung naniwala ka na sa Diyos sa loob ng maraming taon, datapwa’t hindi pa kailanman nakasunod sa Kanya o natanggap ang lahat ng Kanyang mga salita, bagkus ay hiningi sa Diyos na magpasakop sa iyo at kumilos ayon sa iyong mga pagkaunawa, kung gayon ikaw ang pinaka-mapanghimagsik sa mga tao, at ikaw ay isang hindi mananampalataya. Paano na ang isang gaya nito ay nakakayang sumunod sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga pagkaunawa ng tao? Ang pinaka-mapanghimagsik na tao ay siya na sadyang hinahamon at nilalabanan ang Diyos. Siya ay ang kaaway ng Diyos at ang anticristo. Ang gayong tao ay patuloy na nagtataglay ng palabang saloobin tungo sa bagong gawain ng Diyos, hindi pa kailanman nagpakita ng pinakamaliit na hangaring magpasakop, at hindi pa kailanman galak na nagpakita ng pagpapasakop o nagpakumbaba sa kanyang sarili. Itinataas niya ang kanyang sarili sa harap ng iba at hindi kailanman nagpapakita ng pagpapasakop sa kaninuman. Sa harap ng Diyos, ipinapalagay niya ang sarili niya na pinakasanay sa pangangaral ng salita at ang pinakamahusay sa paggawa sa iba. Hindi niya kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa kanya nang pag-aari, kundi itinuturing ang mga iyon bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit ang mga iyon para bigyan ng aral yaong mga hangal na umiidolo sa kanya. Talagang may ilang taong ganito sa loob ng iglesia. Masasabi na sila ay mga “di-nalulupig na mga bayani,” na ang bawat lumilipas na mga salinlahi ay nananahang pansamantala sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang kanilang pinakamataas na tungkulin. Taun-taon at sa paglipas ng bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang kanilang “banal at di-malalabag” na tungkulin. Walang sinumang nangangahas na salingin sila at wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Sila ay nagiging “mga hari” sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang tinatakot nila ang iba sa bawat lumilipas na mga kapanahunan. Itong bungkos ng mga demonyo ay naghahangad na magtulung-tulong at gibain ang Aking gawain; paano Ko mapapahintulutan itong mga buhay na diyablo na umiral sa harap ng Aking mga mata?

—mula sa “Yaong mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang inyong pagsalungat sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga pagkaintindi at likas na kayabangan. Hindi ito dahil sa ang gawain ng Diyos ay mali, kundi dahil kayo ay likas na mga masyadong masuwayin. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masasabi ng ilang tao nang may kasiguruhan kung saan nanggaling ang tao, bagkus malakas ang loob nilang gumawa ng mga pampublikong talumpati na sinusukat ang mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. At pinagsasabihan pa nila ang mga apostol na may bagong gawain ang Banal na Espiritu, nagpapasa ng puna at nagsasalita nang wala sa lugar; ang kanilang pagkatao ay masyadong mababa, at walang kahit kaunting katinuan sa kanila. Hindi ba darating ang araw kung kailan ang mga taong ganoon ay itatakwil ng gawain ng Banal na Espiritu, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, nguni’t sa halip ay pinipintasan pa ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano ba makikilala ng ganoong di-makatwirang mga tao ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang hinahanap at nararanasan Siya; hindi sa pamamagitan ng pagpintas sa Kanya ayon sa kapritso na nakikilala niya ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kung mas tiyak ang pagkakilala ng tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya sinasalungat. Sa kaibahan, kapag mas kaunti ang pagkakilala ng tao sa Diyos, mas lalo nila Siyang sasalungatin. Ang iyong mga pagkaintindi, ang iyong lumang kalikasan, at ang iyong pagkatao, asal at moral na pananaw ay ang “puhunan” na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang ikaw ay mas tiwali, hamak at mababa, mas kaaway ka ng Diyos. Silang mga nagtataglay ng nakahahapis na mga pagkaintindi at mayroong mapagmagaling na disposisyon ay mas lalong kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang mga taong ganoon ay ang mga anticristo.

—mula sa “Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang sinumang hindi nauunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos ay yaong naninindigan laban sa Diyos, at lalo na yaong mga alam ang layunin ng gawain ng Diyos ngunit hindi hinahangad na bigyang kasiyahan ang Diyos. Yaong mga nagbabasa ng Biblia sa mga engrandeng iglesia ay nagsasalaysay ng Biblia araw-araw, nguni’t ni isa ay hindi nauunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa ang kayang makilala ang Diyos; bukod dito, wala ni isa ang nakaaayon sa puso ng Diyos. Lahat sila ay mga walang silbi, masasamang tao, bawat isang tumatayo nang mapagmataas para turuan ang Diyos. Kahit iwinawagayway nila ang ngalan ng Diyos, kusang-loob nila Siyang sinasalungat. Kahit tinatawag nila ang kanilang mga sarili na mananampalataya ng Diyos, sila yaong mga kumakain ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng taong iyon ay mga demonyong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong diyablong sinasadyang manggambala sa mga sumusubok lumakad sa tamang landas, at mga balakid na humahadlang sa landas ng mga naghahanap sa Diyos. Kahit sila ay may “matipunong laman”, paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga anticristo na umaakay sa tao sa pagsalungat sa Diyos? Paano nila malalaman na sila ay mga demonyong nabubuhay na sadyang naghahanap ng mga kaluluwang lalamunin?

—mula sa “Ang Lahat ng Hindi Kilala ang Diyos ay Yaong Sumasalungat sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao


Pinagmumulan:https://tl.kingdomsalvation.org/work-of-god-and-work-of-man-4.html


——————————————


Magrekomenda nang higit pa:Ano ang pananampalataya