Mga Klasikong Salita tungkol sa Relasyon sa Pagitan ng Bawat Yugto ng Gawain ng Diyos at ng Pangalan

1. Ang gawaing ginawa ng Diyos Mismo sa bawat kapanahunan ay naglalaman ng pagpapahayag ng Kanyang tunay na disposisyon, at ang Kanyang pangalan at ang isinasagawa Niyang gawain ay parehong nagbabago kasabay ng kapanahunan; ang lahat ng ito ay bago. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang gawain ng paggabay sa sangkatauhan ay isinagawa sa ilalim ng pangalan ni Jehova, at ang unang yugto ng gawain ay isinagawa sa lupa. Ang gawain sa yugtong ito ay upang magtatag ng mga templo at dambana, at upang gamitin ang kautusan upang gabayan ang mga tao sa Israel at gumawa sa kalagitnaan nila. Sa pamamagitan ng paggabay sa mga tao sa Israel, Siya ay naglunsad ng himpilan para sa Kanyang gawain sa lupa. Sa himpilang ito, pinalawak Niya ang Kanyang gawain lampas ng Israel, samakatuwid, mula sa Israel, pinalawak Niya ang Kanyang gawain palabas, nang sa gayon ang mga susunod na salinlahi ay unti-unting nalaman na si Jehova ay ang Diyos, at na nilikha ni Jehova ang langit at ang lupa at ang lahat ng bagay, nilikha ang lahat ng nilalang. Ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga tao sa Israel. Ang lupain ng Israel ang pinakaunang banal na lugar ng mga gawain ni Jehova sa lupa, at ang mga unang gawain ng Diyos sa lupa ay sa lahat ng dako ng lupain ng Israel. Iyon ang mga gawain sa Kapanahunan ng Kautusan. … Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus, na nangangahulugan na ang Diyos ay ang Diyos na nagligtas sa tao, at Siya ay isang maawain at mapagmahal na Diyos. Kasama ng tao ang Diyos. Ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang awa, at ang Kanyang pagliligtas ay naging kapiling ng bawat tao. Ang tao ay maaari lang magkamit ng kapayapaan at kagalakan, makatanggap ng Kanyang pagpapala, makatanggap ng Kanyang marami at malawak na biyaya, at matanggap ang Kanyang pagliligtas kung tinanggap ng tao ang Kanyang pangalan at tinanggap ang Kanyang presensiya. Sa pamamagitan ng pagkakapako ni Jesus sa krus, ang siyang mga sumunod sa Kanya ay nakatanggap ng pagliligtas at pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus. Sa madaling salita, ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ay isinagawa una sa lahat sa ilalim ng pangalan ni Jesus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay tinawag na Jesus. Gumawa Siya ng gawain na higit pa sa Lumang Tipan, at ang Kanyang gawain ay natapos sa pagpapapako sa krus, at iyon ang kabuuan ng Kanyang gawain. Samakatuwid, sa Kapanahunan ng Kautusan, Jehova ang pangalan ng Diyos, at sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ni Jesus ay kumatawan sa Diyos. Sa mga huling araw, ang Kanyang pangalan ay Makapangyarihang Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat, na gumagamit sa Kanyang kapangyarihan upang gabayan ang tao, lupigin ang tao at makamit ang tao, at sa huli, wakasan ang kapanahunan. Sa bawat kapanahunan, sa bawat yugto ng Kanyang gawain, ang disposisyon ng Diyos ay kapansin-pansin.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

2. “Jehova” ang pangalan na Aking ginamit sa kapanahunan ng Aking gawain sa Israel, at ito ay nangangahulugang ang Diyos ng mga Israelita (ang hinirang na bayan ng Diyos) na maaaring maawa sa tao, sumpain ang tao, at gumabay sa buhay ng tao. Nangangahulugan ito na ang Diyos na may angking dakilang kapangyarihan at puspos ng karunungan. Ang “Jesus” ay Emmanuel, at ito’y nangangahulugang ang handog para sa kasalanan na puspos ng pagmamahal, puspos ng habag, at tumutubos sa tao. Ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at kinakatawan ang Kapanahunan ng Biyaya, at maaari lamang katawanin ang isang bahagi ng plano ng pamamahala. Na ang ibig sabihin, tanging si Jehova ang Diyos ng hinirang na bayan ng Israel, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob, ang Diyos ni Moises, at ang Diyos ng lahat ng tao ng Israel. At sa gayon sa kasalukuyang kapanahunan, lahat ng Israelita maliban sa tribo ni Juda ay sumasamba kay Jehova. Nag-aalay sila sa Kanya ng mga hain sa altar, at naglilingkod sa Kanya na suot ang mga mahahabang damit ng mga pari sa templo. Ang inaasahan nila ay ang pagpapakitang muli ni Jehova. Tanging si Jesus ang Manunubos ng sangkatauhan. Siya ang handog para sa kasalanan na tumubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan. Na ang ibig sabihin, ang pangalan ni Jesus ay nanggaling sa Kapanahunan ng Biyaya, at umiral dahil sa gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalan ni Jesus ay umiral upang hayaan ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na muling maisilang at maligtas, at isang tanging pangalan para sa pagtubos ng buong sangkatauhan. At sa gayon ang pangalan ni Jesus ay kumakatawan sa gawain ng pagtubos, at tumutukoy sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalang Jehova ay isang tanging pangalan para sa mga tao sa Israel na namuhay sa ilalim ng kautusan. Sa bawa’t kapanahunan at bawa’t yugto ng gawain, ang Aking pangalan ay hindi walang-basehan, subali’t may taglay na kumakatawang kabuluhan: Bawa’t pangalan ay kumakatawan sa isang kapanahunan. Ang “Jehova” ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, at ito ay pamimitagan para sa Diyos na sinasamba ng bayan ng Israel. Ang “Jesus” ang kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ito ang pangalan ng Diyos ng lahat niyaong natubos noong Kapanahunan ng Biyaya.

—mula sa “Ang Tagapagligtas ay Nakabalik na sa Ibabaw ng ‘Puting Ulap’” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

3. Nang dumating si Jesus upang isagawa ang Kanyang gawain, ito ay sa ilalim ng gabay ng Banal na Espiritu; ginawa Niya ang kagustuhan ng Banal na Espiritu, at ito ay hindi ayon sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan o ayon sa gawain ni Jehova. Bagama’t ang gawain na isinagawa ni Jesus ay hindi para sa pagsunod sa mga batas ni Jehova o sa mga kautusan Niya, ang Kanilang pinagmulan ay iisa at pareho lang. Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay kumatawan sa pangalan ni Jesus, at kumatawan ito sa Kapanahunan ng Biyaya; para sa gawain na isinagawa ni Jehova, ito ay kumatawan kay Jehova, at kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Kanilang gawain ay gawain ng isang Espiritu sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang gawain na isinagawa ni Jehova ay maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan. Ginabayan lang ni Jehova ang mga tao sa Israel at Ehipto, at lahat ng mga bansa sa labas ng Israel. … Kahit na Sila ay tinatawag sa dalawang magkaibang pangalan, ang parehong yugto ng gawain ay isinagawa ng iisang Espiritu, at ang gawain na isinagawa ay tuluy-tuloy. Dahil magkaiba ang pangalan, at ang nilalaman ng gawain ay magkaiba, ang kapanahunan ay magkaiba rin. Nang dumating si Jehova, iyon ang kapanahunan ni Jehova, at nang dumating si Jesus, iyon ang kapanahunan ni Jesus. At kaya, sa bawat pagkakataon na dumarating ang Diyos, Siya ay tinatawag sa iisang pangalan, kinakatawan Niya ang isang kapanahunan, at Siya ay nagbubukas ng bagong daan; at sa bawat bagong daan, Siya ay gumagamit ng bagong pangalan, na nagpapakita na ang Diyos ay laging bago at di kailanman luma, at ang Kanyang gawain ay patuloy na umuunlad pasulong. Ang kasaysayan ay patuloy na sumusulong, at ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong. Upang marating ang katapusan ng Kanyang anim na libong taong plano sa pamamahala, nararapat itong patuloy na umunlad pasulong. Kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat araw, kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat taon; kailangan Niyang magbukas ng mga bagong daan, mga bagong kapanahunan, magsimula ng bago at higit na malaking mga gawain, at magdala ng mga bagong pangalan at gawain.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

4. Sa bawat kapanahunan, gumagawa ang Diyos ng mga bagong gawain at Siya ay tinatawag sa bagong pangalan; paano Niya naisasagawa ang parehong gawain sa magkaibang kapanahunan? Paano Siya nananatili sa luma? Ang pangalan ni Jesus ay ginamit para sa gawain ng pagtubos, kaya matatawag pa rin ba Siya sa parehong pangalan kapag Siya ay bumalik sa mga huling araw? Isasagawa pa rin ba Niya ang gawain ng pagtubos? Bakit iisa lang si Jehova at si Jesus, nguni’t Sila ay tinatawag sa magkaibang pangalan sa magkaibang kapanahunan? Hindi ba dahil magkaiba ang mga kapanahunan ng Kanilang gawain? Maaari bang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan ang iisang pangalan lamang? Sa paraang ito, nararapat na tawagin ang Diyos sa ibang pangalan sa ibang kapanahunan, at nararapat gamitin ang pangalan upang baguhin ang kapanahunan at kumatawan sa kapanahunan. Dahil walang anumang pangalan ang ganap na makakatawan sa Diyos Mismo, at ang bawat pangalan ay maaari lang kumatawan sa pansamantalang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa isang tiyak na kapanahunan; ang kailangan lang nitong gawin ay kumatawan sa Kanyang gawain. Samakatuwid, maaaring mamili ang Diyos ng anumang pangalan na angkop sa Kanyang disposisyon upang kumatawan sa buong kapanahunan.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

5. Kung sakaling palaging pareho ang gawain ng Diyos sa bawat kapanahunan, at Siya ay palaging tinatawag sa parehong pangalan, paano Siya makikilala ng tao? Ang Diyos ay nararapat na tawaging Jehova, at maliban sa Diyos na tinatawag na Jehova, ang isang tinatawag sa anumang ibang pangalan ay hindi Diyos. Kung hindi, ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at ang Diyos ay hindi maaaring tawagin sa ibang mga pangalan maliban sa Jesus; maliban kay Jesus, hindi Diyos si Jehova, at ang Makapangyarihang Diyos ay hindi rin Diyos. Naniniwala ang tao na ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, nguni’t ang Diyos ay isang Diyos na kapiling ang tao, nararapat Siyang tawaging Jesus, dahil ang Diyos ay kapiling ang tao. Ang gawin ito ay pagsunod sa doktrina at pagkulong sa Diyos sa isang saklaw. Kaya, ang gawain na isinasagawa ng Diyos sa bawat kapanahunan, ang pangalan kung saan Siya ay tinatawag, at ang anyong Kanyang kinukuha—ang gawain na Kanyang ginagawa sa bawat yugto hanggang ngayon—ang mga ito ay hindi sumusunod sa iisang alituntunin, at hindi sumasailalim sa anumang paghihigpit. Siya ay si Jehova, nguni’t Siya rin ay si Jesus, gayundin ang Mesiyas, at ang Makapangyarihang Diyos. Ang Kanyang gawain ay maaaring sumailalim sa unti-unting pagbabago, nang may mga katumbas na pagbabago sa Kanyang pangalan. Walang iisang pangalan ang maaaring kumatawan nang ganap sa Kanya, nguni’t ang lahat ng pangalan kung saan Siya ay tinatawag ay maaaring kumatawan sa Kanya, at ang gawain na Kanyang isinasagawa sa bawat kapanahunan ay kumakatawan sa Kanyang disposisyon.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

6. Ang pangalang Jesus ba—“Diyos kasama natin”—ay maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos? Maaari ba nitong malinaw na maipaliwanag ang Diyos? Kung ang tao ay nagsasabi na ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at hindi maaaring magkaroon ng iba pang pangalan dahil hindi maaaring baguhin ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ang mga salitang iyon ay talagang kalapastanganan sa Diyos! Naniniwala ka bang ang pangalang Jesus, Diyos kasama natin, ay maaaring kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan? Maaaring tawagin sa iba’t ibang pangalan ang Diyos, nguni’t sa mga pangalang ito, walang kahit isa ang makakayang lumagom sa lahat ng mayroon ang Diyos, walang kahit isa na maaaring lubos na kumatawan sa Diyos. At kaya, maraming pangalan ang Diyos, nguni’t ang mga pangalang ito ay hindi maaaring ganap na maihayag ang disposisyon ng Diyos, dahil ang disposisyon ng Diyos ay napakamasagana at lumalampas sa karunungan ng tao. Ang wika ng tao ay walang kakayahan na ganap na mabuod ang Diyos. Ang tao ay mayroong limitadong talasalitaan kung saan ay maibubuod ang lahat ng kanyang nalalaman ukol sa disposisyon ng Diyos: dakila, kagalang-galang, mahiwaga, hindi maarok, pinakamataas, banal, matuwid, marunong, at marami pang iba. Masyadong maraming mga salita! Ang gayong kalimitadong talasalitaan ay walang kakayahan na mailarawan kung gaano kaliit ang nasaksihan ng tao ukol sa disposisyon ng Diyos. Kinalaunan, maraming mga tao ang nagdagdag ng mga salita upang mas mahusay na mailarawan ang sigasig sa kanilang mga puso: Ang Diyos ay napakadakila! Ang Diyos ay napakabanal! Ang Diyos ay totoong kaibig-ibig! Sa kasalukuyan, ang mga kasabihang kagaya ng mga ito ay nakaabot sa kanilang sukdulan, nguni’t ang tao ay wala pa ring kakayahan na malinaw na maipahayag ang sarili niya. At kaya, para sa tao, ang Diyos ay mayroong maraming mga pangalan, nguni’t wala Siyang isang pangalan, at iyon ay sapagka’t ang pagiging Diyos ay masyadong masagana, at ang wika ng tao ay masyadong hindi sapat. Ang isang tukoy na salita o pangalan ay walang kakayahan upang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan, kaya maaari ba Siyang gumamit ng iisang permanenteng pangalan? Ang Diyos ay napakadakila at napakabanal, kaya bakit hindi mo Siya hinahayaang magpalit ng Kanyang pangalan sa bawat bagong kapanahunan? Sa bawat kapanahunan na personal na isinasagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, gumagamit Siya ng isang pangalan na naaangkop sa kapanahunan upang lagumin ang gawain na Kanyang isinasagawa. Ginagamit Niya ang tukoy na pangalang ito, ang isang nagtataglay ng pansamantalang kahalagahan, upang kumatawan sa Kanyang disposisyon sa kapanahunang iyon. Ito ang paggamit ng Diyos ng wika ng tao upang ipahayag ang Kanyang sariling disposisyon. Gayunpaman, maraming tao na nagkaroon ng mga karanasang espirituwal at personal na nakita ang Diyos ang nakakaramdam pa rin na ang partikular na pangalan na ito ay walang kakayanang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan—sa kasamaang palad, hindi ito maiiwasan—kaya hindi na tinatawag ng tao ang Diyos sa anumang pangalan, nguni’t basta lamang tinatawag Siya na “Diyos.” Ang puso ng tao ay parang puno ng pag-ibig, nguni’t mukhang naliligid din ito ng mga pagkakasalungatan, dahil hindi alam ng tao kung paanong ipaliwanag ang Diyos. Kung ano ang Diyos ay napakasagana, talagang walang paraan ng paglalarawan dito. Walang nag-iisang pangalan na kayang ibuod ang disposisyon ng Diyos, at walang nag-iisang pangalan na kayang maglarawan ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Kung may magtatanong sa Akin, “Ano ba talaga ang pangalang ginagamit Mo?” Sasabihin Ko sa kanila, “ang Diyos ay Diyos!” Hindi ba iyan ang pinakamainam na pangalan para sa Diyos? Hindi ba iyan ang pinakamainam na paglagom sa disposisyon ng Diyos? Kaya bakit kayo gumugugol ng napakatinding pagsisikap sa paghahanap sa pangalan ng Diyos? Bakit nag-iisip nang napakatindi, hindi kumakain at natutulog, para lamang sa isang pangalan? Darating ang araw na ang Diyos ay hindi na tatawaging Jehova, Jesus, o ang Tagapagligtas—Siya ay tatawagin lamang na Manlilikha. Sa oras na iyon, ang lahat ng mga pangalan na Kanyang ginamit sa lupa ay magtatapos, dahil ang Kanyang gawain sa lupa ay matatapos na rin, pagtapos nito, hindi na Siya magkakaroon ng pangalan. Kapag ang lahat ng tao ay sumailalim sa dominyon ng Manlilikha, bakit Siya tatawagin sa labis na naaangkop nguni’t hindi ganap na pangalan? Hinahanap mo pa rin ba ang pangalan ng Diyos ngayon? Tinatangka mo pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jehova? Tinatangka mo pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jesus? Makakaya mo bang matiis ang kasalanan ng kalapastanganan sa Diyos? Nararapat mong malaman na ang Diyos sa simula ay walang pangalan. Gumamit lang Siya ng isa o dalawa, o maraming pangalan dahil mayroon Siyang gawaing kailangang isagawa at kailangang pamahalaan ang sangkatauhan. Kahit anuman ang tawag sa Kanya, hindi ba’t ito ay Kanyang pinili nang malaya? Kailangan ka ba Niya, isang nilalang, upang pagpasyahan ito? Ang pangalan kung saan tinatawag ang Diyos ay ayon sa kung ano ang nauunawaan ng tao at ang wika ng tao, nguni’t ang pangalang ito ay di kayang lagumin ng tao. Maaari mo lang sabihin na mayroong Diyos sa langit, at Siya ay tinatawag na Diyos, at Siya ang Diyos Mismo na makapangyarihan, labis na matalino, labis na mataas, labis na kamangha-mangha, labis na mahiwaga, labis na makapangyarihan, at wala ka nang masasabi pang iba; iyon lang ang inyong nalalaman. Sa paraang ito, maaari bang kumatawan ang pangalan ni Jesus sa Diyos Mismo? Kapag dumating na ang mga huling araw, kahit na ang Diyos pa rin ang nagsasagawa ng Kanyang gawain, kailangang magbago ang Kanyang pangalan, dahil ito ay panibagong panahon na.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

7. Mayroong mga nagsasabi na ang Diyos ay di-mababago. Tama iyon, nguni’t ito ay tumutukoy sa di-nababagong diwa at disposisyon ng Diyos. Ang mga pagbabago sa Kanyang pangalan at gawain ay hindi nagpapatunay na ang Kanyang diwa ay nagbago; sa madaling sabi, ang Diyos ay mananatiling Diyos, at hindi ito kailanman magbabago. Kung sinasabi mo na hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, matatapos ba Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala? Ang alam mo lamang ay hindi magpakailanman nagbabago ang Diyos, nguni’t alam mo ba na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Kung hindi kailanman nagbago ang gawain ng Diyos, kung gayon madadala ba Niya ang sangkatauhan sa kasalukuyan? Kung hindi nagbabago ang Diyos, bakit Niya naisagawa ang gawain sa dalawang kapanahunan? Ang Kanyang gawain ay palaging umuunlad pasulong, ang Kanyang disposisyon ay unti-unting naibubunyag sa tao, at ang naibubunyag ay ang Kanyang likas na disposisyon. Sa simula, ang disposisyon ng Diyos ay nakatago mula sa mga tao, hindi Niya kailanman tuwirang ibinunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, at walang kaalaman ang tao tungkol sa Kanya, kaya ginamit Niya ang Kanyang gawain upang unti-unting ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, nguni’t hindi ito nangangahulugan na ang Kanyang disposisyon ay nagbabago sa bawat kapanahunan. Hindi ito ang kaso na ang disposisyon ng Diyos ay patuloy sa pagbabago dahil ang Kanyang kalooban ay palaging nagbabago. Sa halip, dahil ang mga kapanahunan ng Kanyang gawain ay magkaiba, ang Kanyang likas na disposisyon sa kabuuan nito ay unti-unting ibinubunyag sa tao, nang sa gayon ay makilala Siya ng mga tao. Nguni’t hindi ito patunay na sa simula ay walang tiyak na disposisyon ang Diyos at ang disposisyon Niya ay unti-unting nagbago sa paglipas ng mga kapanahunan—ang ganoong pagkaunawa ay mali. Ibinubunyag ng Diyos sa tao ang Kanyang likas at partikular na disposisyon, kung ano Siya, ayon sa paglipas ng mga kapanahunan. Ang gawain sa nag-iisang kapanahunan ay hindi makapagpapaliwanag sa buong disposisyon ng Diyos. At kaya, ang mga salitang “Ang Diyos ay palaging bago at kailanman ay hindi luma” ay tumutukoy sa Kanyang gawain, at ang mga salitang “Ang Diyos ay hindi magbabago” ay tungkol sa likas na kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos. Gayunpaman, hindi mo maaaring maipaliwanag ang anim na libong taong gawain sa isang punto, o mailarawan ito sa pamamagitan ng mga di-nagbabagong mga salita lamang. Gayon ay ang kahangalan ng tao. Ang Diyos ay hindi payak katulad ng ipinapalagay ng mga tao, at ang Kanyang gawain ay hindi magtatapos sa isang kapanahunan lamang. Si Jehova, halimbawa, ay hindi laging kakatawan sa pangalan ng Diyos; isinasagawa rin ng Diyos ang Kanyang gawain sa ilalim ng pangalan na Jesus. Isang tanda ito na ang gawain ng Diyos ay laging patuloy ang pag-unlad nang pasulong.

Ang Diyos ay mananatiling Diyos, at hindi kailanman magiging si Satanas; si Satanas ay mananatiling si Satanas, at hindi kailanman magiging Diyos. Ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, ang Kanyang katuwiran at Kanyang kamahalan ay hindi kailanman magbabago. Ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay hindi kailanman magbabago. Subali’t, ang Kanyang gawain, ay palaging umuunlad pasulong, laging mas lumalalim, dahil ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma. Sa bawat kapanahunan nagkakaroon ng bagong pangalan ang Diyos, sa bawat kapanahunan Siya’y nagsasagawa ng mga bagong gawain, at sa bawat kapanahunan ay hinahayaan Niyang makita ng Kanyang mga nilalang ang bago Niyang kalooban at bago Niyang disposisyon. Kung hindi makikita ng mga tao ang paghahayag ng bagong disposisyon ng Diyos sa bagong kapanahunan, hindi ba nila ipapako Siya magpakailanman sa krus? At sa paggawa nito, hindi ba’t binibigyang kahulugan nila ang Diyos?

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

8. Kung pinananabikan pa rin ng tao ang pagdating ni Jesus na Tagapagligtas sa panahon ng mga huling araw, at umaasa pa rin na Siya ay darating sa larawan na Kanyang tinaglay sa Judea, samakatwid ang buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay titigil sa Kapanahunan ng Pagtubos, at hindi na makakayang sumulong pa. Ang mga huling araw, bukod diyan, kailanman ay hindi na darating, at ang kapanahunan ay hindi na matatapos kailanman. Iyon ay dahil si Jesus na Tagapagligtas ay para lamang sa pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Ginamit Ko ang pangalang Jesus para sa kapakanan ng lahat ng makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, at hindi ito ang pangalan na kung saan sa pamamagitan nito ay Aking dadalhin ang buong sangkatauhan sa katapusan. Bagaman ang Jehova, Jesus, at ang Mesiyas ay kumakatawang lahat sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay tumutukoy lamang sa iba’t ibang mga kapanahunan sa Aking plano ng pamamahala, at hindi kumakatawan sa Akin sa Aking kabuuan. Ang mga pangalan na siyang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi nakakapagpaliwanag nang malinaw ng Aking buong disposisyon at ng lahat-lahat ng kung ano Ako. Ang mga iyon ay iba’t ibang mga pangalan lamang na katawagan sa Akin sa iba’t ibang kapanahunan. At sa gayon, kapag ang panghuling kapanahunan—ang kapanahunan ng mga huling araw—ay dumarating, ang Aking pangalan ay magbabagong muli. Hindi Ako tatawaging Jehova, o Jesus, lalo nang hindi Mesiyas, kundi tatawagin Akong ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito wawakasan Ko ang buong kapanahunan. Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Ako ay tinawag ding ang Mesiyas, at minsan na Akong tinawag ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas sapagka’t minahal at iginalang nila Ako. Subali’t ngayon hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao sa nakalipas na mga panahon—Ako ang Diyos na nagbalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magdadala sa kapanahunan sa katapusan. Ako ang Diyos Mismo na tumatayo sa mga dulo ng mundo, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan at kaluwalhatian. Kailanman ay hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao, kailanma’y hindi Ako nakilala, at palaging walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa pagkalikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isang tao ang nakakita na sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw nguni’t nakatago sa gitna ng tao. Siya ay naninirahan kasama ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Walang isa mang tao o bagay na hindi mahahatulan ng Aking mga salita, at walang isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, ang lahat ng bansa ay mapapagpala dahil sa Aking mga salita, at madudurog din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na bumalik, Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan, at para sa tao Ako ay minsang ang handog para sa kasalanan, subali’t sa mga huling araw Ako rin ay nagiging mga ningas ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ay ang Araw ng pagkamatuwid na nagbubunyag ng lahat ng bagay. Ganoon ang Aking gawain ng mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at angkin Ko ang disposisyong ito upang maaaring makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, at Ako ay ang nagliliyab na araw, at ang nagniningas na apoy. Ito ay gayon upang ang lahat ay maaaring sumamba sa Akin, ang tanging tunay na Diyos, at sa gayon maaaring makita nila ang Aking tunay na mukha: Ako ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, at hindi rin Ako basta ang Manunubos—Ako ang Diyos ng lahat ng nilikha sa buong kalangitan at lupa at karagatan.

—mula sa “Ang Tagapagligtas ay Nakabalik na sa Ibabaw ng ‘Puting Ulap’” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

(Mga Piling Talata ng Salita ng Diyos)

Umiiral ba ang Trinidad?

Pagkatapos mangyari ang katotohanan na si Jesus ay nagkatawang-tao, pinaniwalaan ito ng tao: Hindi lamang ang Ama sa langit, kundi ang Anak din, at maging ang Espiritu. Ito ang karaniwang paniwala ng tao, na mayroong ganitong Diyos sa langit: isang Trinidad na yaon ay ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, lahat nasa isa. Ganito ang mga pagkaunawa ng buong sangkatauhan: Ang Diyos ay iisang Diyos, ngunit binubuo ng tatlong bahagi, na ipinalalagay ng lahat ng taong hindi matinag sa karaniwang mga pagkaunawa na ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Ang tatlong bahaging iyon lamang na pinag-isa ang kabuuan ng Diyos. Kung wala ang Banal na Ama, ang Diyos ay hindi magiging buo. Tulad nito, hindi rin magiging buo ang Diyos kung wala ang Anak o ang Banal na Espiritu. Sa kanilang mga pagkaunawa, naniniwala sila na hindi maituturing na Diyos ang Ama lamang o ang Anak lamang. Ang magkakasama lamang na Ama, Anak, at Banal na Espiritu ang maituturing na Diyos Mismo. Ngayon, lahat ng relihiyosong mananampalataya, kasama ang bawat isang alagad sa gitna ninyo, ay nakahawak sa paniniwalang ito. Ngunit, hinggil sa kung ang paniniwalang ito ay tama, walang sinumang makapagpapaliwanag, sapagkat palagi naman kayong naguguluhan sa mga bagay na patungkol sa Diyos Mismo. Bagama’t ang mga ito ay mga paniwala, hindi ninyo alam kung ang mga ito ay tama o mali, sapagkat kayo’y lubha nang nahawahan ng mga relihiyosong paniwala. Napakalalim na ng pagtanggap ninyo sa ganitong karaniwang mga paniwala ng relihiyon, at nakapasok na nang husto ang lasong ito sa inyong kalooban. Samakatuwid, sa bagay na ito ay bumigay na rin kayo sa mapaminsalang impluwensiyang ito, sapagkat wala naman talagang Trinidad. Ibig sabihin, walang Trinidad na Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Lahat ng ito ay mga karaniwang paniwala ng tao, at mga maling paniniwala ng tao. Sa loob ng maraming siglo, naniwala na ang tao sa Trinidad na ito, na bunga ng mga pagkaunawa sa isip ng tao, na gawa-gawa ng tao, at hindi pa kailanman nakita noon ng tao. Sa lumipas na maraming taon, marami nang tanyag na teologo ang nakapagpaliwanag sa “tunay na kahulugan” ng Trinidad, ngunit malabo at hindi malinaw ang gayong mga paliwanag tungkol sa Trinidad bilang tatlong magkakaibang persona at magkakapareho ang diwa, at nalilito ang lahat ng tao sa “kabuuan” ng Diyos. Wala pang dakilang tao ang nakapagbigay ng isang masusing paliwanag kailanman; karamihan sa mga paliwanag ay pasado sa larangan ng pangangatwiran at sa kasulatan, ngunit walang sinumang tao ang may ganap na malinaw na pagkaunawa sa kahulugan nito. Ito ay dahil ang dakilang Trinidad na ito na nasasapuso ng tao ay hindi talaga umiiral. Sapagkat wala pang nakakita kahit kailan sa totooong mukha ng Diyos o naging mapalad na umakyat sa tahanan ng Diyos upang bumisita para suriin kung anong mga bagay ang naroon sa kinaroroonan ng Diyos, upang malaman kung ilang libu-libo o milyun-milyong henerasyon ang nasa “tahanan ng Diyos” o upang siyasatin kung ilan nga bang bahagi ang bumubuo sa likas na kabuuan ng Diyos. Ang pangunahing dapat masuri ay: ang gulang ng Ama at ng Anak, gayundin ng Banal na Espiritu; ang kanya-kanyang hitsura ng bawat persona; paano talaga nangyari na nagkakahiwalay Sila, at paano nangyayari na nagiging isa Sila. Sa kasamaang-palad, sa lahat ng maraming taong ito, wala ni isa mang nakakaalam sa katotohanan ng mga bagay na ito. Lahat ng ito ay haka-haka lamang, sapagkat wala ni isa mang taong nakaakyat sa langit para bumisita at bumalik dala ang isang “masusing pag-uulat” para sa buong sangkatauhan upang iulat ang katotohanan nito sa lahat ng masigasig at debotong relihiyosong mananampalataya na may pakialam sa Trinidad. Siyempre, hindi dapat ibunton ang sisi sa tao sa pagbubuo niya ng gayong mga paniwala, sapagkat bakit hindi isinama ng Amang si Jehova ang Anak na si Jesus nang nilikha Niya ang sangkatauhan? Kung, sa simula, ay lumipas ang lahat sa pangalan ni Jehova, mas maigi sana. Kung kailangan mang manisi, isisi na lang sa panandaliang pagkalimot ng Diyos na si Jehova, na hindi tinawag ang Anak at ang Banal na Espiritu sa harap Niya sa panahon ng paglikha, bagkus ay isinakatuparan ang Kanyang gawain nang mag-isa. Kung Sila ay gumawa lamang nang sabay-sabay, hindi ba Sila magiging isa? Kung, sa simula pa lang hanggang sa katapusan, ay mayroon lamang pangalang Jehova at wala ang pangalan ni Jesus mula sa Kapanahunan ng Biyaya, o kung tinawag pa rin Siyang Jehova noon, hindi ba hindi na sana nagdusa ang Diyos sa paghahating ito ng sangkatauhan? Para sigurado, hindi maaaring daingan si Jehova sa lahat ng ito; kung dapat mang manisi, hayaang sisihin ang Banal na Espiritu, na sa loob ng libu-libong taon ay nagpatuloy ng Kanyang gawain sa pangalang Jehova, ni Jesus, at maging ng Banal na Espiritu, ginugulo at nililito ang tao sa gayon ay hindi malaman ng tao kung sino talaga ang Diyos. Kung ang Banal na Espiritu Mismo ay nakágáwâ nang walang anyo o larawan, at higit pa rito, walang pangalan kagaya ng kay Jesus, at hindi Siya makita o mahawakan ng tao, naririnig lamang ang mga tunog ng kulog, hindi ba naging mas kapaki-pakinabang sana sa sangkatauhan ang ganitong uri ng gawain? Kaya ano ang maaaring gawin ngayon? Ang mga paniwala ng tao ay natitipong sing-taas ng bundok at sing-lawak ng dagat, hanggang sa hindi na natitiis ng Diyos ng kasalukuyan ang mga iyon at ganap na nasa kawalan. Noong unang panahon na si Jehova, si Jesus, at ang Banal na Espiritu pa lamang sa pagitan ng dalawa, hindi na alam ng tao kung paano niya iyon kakayanin, at ngayon nadagdag pa ang Makapangyarihan, na diumano ay bahagi rin ng Diyos. Sino ang nakakaalam kung sino Siya at sa kaninong persona ng Trinidad Siya nakikihalo o nakatago sa gaano mang karaming taon? Paano ito natitiis ng tao? Ang Trinidad pa lamang ay sapat nang habambuhay na ipaliwanag ng tao, ngunit ngayon ay mayroong “isang Diyos sa apat na persona.” Paano ito maipapaliwanag? Maipapaliwanag mo ba ito? Mga kapatid! Papaano ninyong napapaniwalaan ang gayong Diyos hanggang sa araw na ito? Saludo Ako sa inyo. Ang Trinidad ay sapat na upang tiisin, at datapuwa’t ngayon nagpapatuloy kayo sa pagkakaroon ng gayong di-natitinag na pananampalataya rito sa iisang Diyos sa apat na persona. Hinimok na kayong lumabas, ngunit tumatanggi kayo. Hindi kapani-paniwala! Ibang klase talaga kayo! Ang tao ay nakakarating hanggang sa paniniwala sa apat na Diyos at walang gagawin ukol dito; hindi ba ninyo iniisip na ito ay milagro? Hindi ko masabi na kayo ay nakakagawa ng gayong kalaking milagro! Sinasabi Ko sa inyo, sa totoo lang, walang Trinidad saanman sa sansinukob na ito. Ang Diyos ay walang Ama at walang Anak, lalong wala itong konsepto ng isang kasangkapang parehong ginagamit ng Ama at ng Anak: ang Banal na Espiritu. Ang lahat ng ito ang pinakamalaking kamalian at talagang hindi man umiiral sa mundong ito! Ngunit kahit ang gayong kamalian ay may pinagmulan at hindi ganap na walang batayan, sapagkat ang inyong isipan ay hindi napakapayak, at ang inyong mga ideya ay hindi walang katwiran. Sa halip, ang mga iyon ay medyo naaangkop at malikhain, kaya nga hindi napapasok ang mga iyon kahit ng sinumang Satanas. Kaya lamang ang mga ideyang ito ay pawang mga kamalian at talagang hindi umiiral! Ni hindi pa ninyo nakikita ang tunay na katotohanan; mga haka-haka at pagkaintindi lamang ninyo iyan, pagkatapos ay binubuo lamang ninyong lahat ito sa isang kuwento linlangin ang iba at makuha ang kanilang tiwala at makapangibabaw sa pinakahangal na mga tao na walang talino o katwiran, para maniwala sila sa inyong kahanga-hanga at kilalang “mga turo ng batikan.” Totoo ba iyan? Ito ba ang paraan ng pamumuhay na dapat tanggapin ng tao? Lahat ng ito ay walang kapararakan! Walang angkop ni isang salita! Sa loob nitong napakaraming taon, ang Diyos ay pinagbaha-bahagi ninyo sa ganitong paraan, papino nang papino ang pagbabahagi sa bawat henerasyon, hanggang sa ang isang Diyos ay lantarang pinagbaha-bahagi sa tatlong Diyos. At ngayon ay imposible na para sa tao na pagdugtung-dugtungin ang Diyos bilang isa, sapagkat napagbaha-bahagi na ninyo Siya nang pinung-pino! Kung hindi sa Aking mabilis na paggawa bago mahuli ang lahat, mahirap sabihin kung gaano katagal kayong mananatiling garapal sa ganitong paraan! Sa patuloy ninyong pagbabaha-bahagi ng Diyos sa ganitong paraan, paano pa Siyang nagiging inyong Diyos? Makikilala pa rin ba ninyo ang Diyos? Babalik pa rin ba kayo sa Kanya? Kung nahuli pa nang kaunti ang Aking pagdating, malamang ay ipinadala na ninyo ang “Ama at Anak,” si Jehova at si Jesus pabalik sa Israel at inari ang inyong mismong mga sarili na bahagi ng Diyos. Mabuti na lang, mga huling araw na ngayon. Sa wakas, dumating na rin ang araw na ito na matagal Ko nang hinintay, at pagkatapos lamang na Aking naisakatuparan itong yugto ng gawain sa pamamagitan ng Aking sariling kamay na ang inyong pagbabaha-bahagi sa Diyos Mismo ay napatigil. Kung hindi dahil dito, maaaring kayo ay namayagpag na, baka ipinapatong na ang lahat ng Satanas sa inyo sa mga altar upang sambahin. Ito ay inyong pakana! Ang inyong pamamaraan ng pagbabaha-bahagi sa Diyos! Magpapatuloy pa rin ba kayo ngayon? Hayaan ninyong tanungin Ko kayo: Ilan ba ang Diyos? Aling Diyos ang magdadala sa inyo ng kaligtasan? Ito ba ang unang Diyos, ang ikalawa, o ang ikatlo na palagi ninyong dinadalanginan? Alin sa Kanila ang palagi ninyong pinaniniwalaan? Ito ba ang Ama? O ang Anak? O ito ba ang Espiritu? Sabihin mo sa Akin kung sino ang pinaniniwalaan mo. Bagama’t sa bawat salitang iyong sinasabi na naniniwala ka sa Diyos, ang inyong totoong pinananiniwalaan ay ang inyong sariling utak! Wala talaga kayong Diyos sa inyong puso! At gayunman sa inyong mga isip ay ilan ang gayong mga “Trinidad”! Hindi ba kayo sumasang-ayon?



Buong Teksto :  https://tl.kingdomsalvation.org/relationship-between-each-stage.html



Ang mga aklat ng ebanghelyo sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay ibubunyag ang lahat ng mga misteryo ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan para sa iyo.