Ang Layunin at Kabuluhan ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka't dumating ang panahon ng kaniyang paghatol” (Pahayag 14:7).
“Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios” (1 Pedro 4:17).
“At siya’y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao” (Isaias 2:4).
“At kung ang sinomang tao’y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan. Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).
“Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Nang si Jesus ay naparito sa mundo ng tao, dinala Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at tinapos ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa panahon ng mga huling araw, ang Diyos ay muling naging katawang-tao, at nang Siya’y naging katawang-tao sa panahong ito, tinapos Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at dinala ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang lahat ng tumatanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay madadala tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at personal na makakatanggap ng paggabay ng Diyos. Bagaman maraming ginawa si Jesus kapiling ang tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng tao, at hindi inalis sa tao ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan kay Jesus na akuin ang mga kasalanan ng tao bilang handog para sa kasalanan, kundi nangailangan din sa Diyos na gumawa ng mas malaking gawain upang ganap na tanggalin sa tao ang kanyang disposisyon, na nagawang tiwali ni Satanas. At sa gayon, matapos mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan, ang Diyos ay bumalik na sa katawang-tao upang pangunahan ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol, at ang gawaing ito ay nagdala sa tao sa isang mas mataas na lupain. Ang lahat ng nagpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at makakatanggap ng mas malalaking pagpapala. Sila’y tunay na mamumuhay sa liwanag, at makakamtan ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
—mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Ako ay tinawag ding ang Mesiyas, at minsan na Akong tinawag ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas sapagka’t minahal at iginalang nila Ako. Subali’t ngayon hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao sa nakalipas na mga panahon—Ako ang Diyos na nagbalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magdadala sa kapanahunan sa katapusan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng mundo, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan at kaluwalhatian. Kailanman ay hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao, kailanma’y hindi Ako nakilala, at palaging walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa pagkalikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isang tao ang nakakita na sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw nguni’t nakatago sa gitna ng tao. Siya ay naninirahan kasama ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Walang isa mang tao o bagay na hindi mahahatulan ng Aking mga salita, at walang isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, ang lahat ng bansa ay mapapagpala dahil sa Aking mga salita, at madudurog din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na bumalik, Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan, at para sa tao Ako ay minsang ang handog para sa kasalanan, subali’t sa mga huling araw Ako rin ay nagiging mga ningas ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ay ang Araw ng pagkamatuwid na nagbubunyag ng lahat ng bagay. Ganoon ang Aking gawain ng mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at angkin Ko ang disposisyong ito upang maaaring makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, at Ako ay ang nagliliyab na araw, at ang nagniningas na apoy. Ito ay gayon upang ang lahat ay maaaring sumamba sa Akin, ang tanging tunay na Diyos, at sa gayon maaaring makita nila ang Aking tunay na mukha: Ako ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, at hindi rin Ako basta ang Manunubos—Ako ang Diyos ng lahat ng nilikha sa buong kalangitan at lupa at karagatan.
—mula sa “Ang Tagapagligtas ay Nakabalik na sa Ibabaw ng ‘Puting Ulap’” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang gawain sa mga huling araw ay bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabago ngayong naibubunga sa mga taong ito sa pagtanggap ng mga salitang ito ay mas higit kaysa roon sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya sa pagtanggap niyaong mga tanda at mga kababalaghan. Sapagka’t, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay lumayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, nguni’t ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay gumaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, nguni’t ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi nagawa sa kanya. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, nguni’t ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, nguni’t hindi ito nangangahulugan na ang tao ay walang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, nguni’t hindi magagawang lutasin ng tao ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, nguni’t ang tao ay patuloy na namuhay sa dating tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang landas ng buhay, at ang paraan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon ng tao ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng pagsikat ng liwanag, at upang maaaring magawa niya ang lahat ng bagay ayon sa kalooban ng Diyos, iwaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at lumaya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at dahil dito ganap na makakalaya mula sa kasalanan. Doon lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, batay sa pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay maaaring makakita at kahit ang patay ay maaaring maibalik ang buhay. Gayunman, hindi natuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanilang maka-Diyos na itsura; kung ang tao ay maaaring mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang mabuting mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Nguni’t, sa kanilang buong buhay, hindi nila lubos na naunawaan kahit kailan ang daan ng buhay. Sila ay nakakagawa lamang ng mga kasalanan, pagkatapos ay nangungumpisal ng kasalanan nang paulit-ulit na walang anumang daan tungo sa isang nabagong disposisyon; ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para padalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagka’t ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagka’t ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Nguni’t ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob nila at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos; at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawaing ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao at hinihingi sa tao na magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagbibigay-buhay sa tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, ang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ay nagpaging-ganap sa kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.
—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na nagawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag at likas na pagkataong lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang likas na lason sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin sa pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang doon sa pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Sa katotohanan, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng pagliligtas. Ang tao ay nakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, ang lahat ng karumihan, mga pagkaunawa, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag.
—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Nang ang Diyos ay naging tao sa panahong ito, ang Kanyang gawain ay upang ipahayag ang Kanyang disposisyon, una sa lahat sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol. Gamit ito bilang pundasyon, naghahatid Siya ng iba pang katotohanan sa tao, nagpapakita ng iba pang mga paraan ng pagsasagawa, at sa gayon ay nakakamit ang Kanyang layunin na lupigin ang tao at iligtas mula sa kanyang tiwaling disposisyon. Ito ang nasa likod ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.
—mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa mga huling araw, si Cristo ay gumagamit ng sari-saring katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat mabuhay nang normal ang tao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang ihatid ang isang bagong kapanahunan, upang baguhin ang paraan ng Kanyang gawain, at upang gawin ang gawain para sa buong kapanahunan. Ito ang panuntunan ng paggawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay nagkatawang-tao upang magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, binibigyang-kakayahan ang tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at ang Kanyang karunungan at pagiging nakamamangha. Ang ganoong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit sa salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang kailangang pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng salita, ang lahat ng gawain na nais isagawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng salita, nahahayag ang tao, naaalis at sinusubukan. Nakita ng tao ang salita, narinig ang salita, at nabuksan ang kamalayan patungkol sa pag-iral ng salita. Ang bunga nito, naniniwala ang tao sa pag-iral ng Diyos, naniniwala ang tao sa pagiging makapangyarihan sa lahat at sa karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos para sa tao at Kanyang pagnanais na iligtas ang tao. Bagaman ang salitang “salita” ay payak at karaniwan, ang salita mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang buong sansinukob; binabago ng Kanyang salita ang puso ng tao, ang mga pagkaunawa at ang lumang disposisyon ng tao, at ang lumang anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganoong paraan, at Siya ang tanging nagsasalita at nagliligtas sa tao. Pagkatapos noon, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng salita, inaakay at tinutustusan ng salita; sila ay namumuhay sa mundo ng salita, namumuhay sa gitna ng mga sumpa at mga pagpapala ng salita ng Diyos, at mas marami pang tao ang namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kapakanan ng kaligtasan ng tao, pagkamit sa kalooban ng Diyos, at pagbabago sa orihinal na anyo ng mundo ng unang paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng salita, pinamumunuan ang mga tao sa buong sansinukob sa pamamagitan ng salita, nilulupig at inililigtas sila sa pamamagitan ng salita. Sa huli, gagamitin Niya ang salita upang dalhin ang buong lumang mundo sa katapusan. Doon lamang ganap na matatapos ang plano ng pamamahala. Sa buong Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang gawin ang Kanyang gawain at makamit ang mga bunga ng Kanyang gawain; hindi Siya gumagawa ng kababalaghan o nagsasagawa ng mga himala: ginagawa lamang Niya ang Kanyang mga gawain sa pamamagitan ng salita. Dahil sa salita, ang tao ay pinalulusog at tinutustusan; dahil sa salita, nagtatamo ang tao ng kaalaman at tunay na karanasan.
—mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa katotohanan, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang talikdan ng mga tao si Satanas, talikdan ang kanilang sinaunang ninuno. Lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumutusok lahat sa mga puso ng mga tao. Bawat paghatol ay tuwirang nakakaapekto sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang mga puso para kanilang mapapakawalan ang lahat ng bagay na yaon at sa gayon ay makilala ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, at makilala rin ang karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos at makilala ang sangkatauhang ito na ginawang tiwali ni Satanas. Kung mas marami ang ganitong uri ng pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang paggising sa espiritu ng mga taong ito na ginawang napakatiwali at lubhang nalinlang ang mithiin ng uring ito ng paghatol. Ang tao ay walang espiritu, ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi nalalamang siya ay nakikipagtunggali sa bangin ng kamatayan; paano magiging posibleng malaman niya na siya ay namumuhay sa loob nitong masamang impiyerno sa lupa? Paano magiging posibleng malaman niya na itong nabubulok na bangkay niya, sa pamamagitan ng pagtitiwali ni Satanas, ay nahulog tungo sa Hades ng kamatayan? Paano magiging posibleng malaman niya na ang lahat sa lupa ay matagal nang nawasak nang hindi na maaayos ng sangkatauhan? At paano magiging posibleng malaman niya na ang Lumikha ay dumating na sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga tiwaling tao na maaari Niyang iligtas? Kahit pagkatapos maranasan ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang mapurol na kamalayan ay bahagya pa rin lamang na nagigising at halos hindi tumutugon. Ang sangkatauhan ay masyadong napababa! Bagaman ang uring ito ng paghatol ay tulad ng malupit na bola ng yelong nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong pinakamalaking pakinabang sa tao. Kung hindi sa paghatol sa mga tao na gaya nito, hindi magkakaroon ng bunga at magiging walang-pasubaling imposible na magligtas ng mga tao mula sa bangin ng paghihirap. Kung hindi sa gawaing ito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na napalubog sa pinakamalalim na kalaliman ng pagbaba ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang napakalakas, paghatol sa inyo nang napakatindi, at saka lamang magigising iyang mala-yelo sa lamig na puso ninyo.
—mula sa “Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay ang pagkastigo at paghatol, na inihahayag Niya sa lahat ng masama, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto yaong mga tunay na nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay isasaayos ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang likas na katangian. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kahihinatnan ng sangkatauhan at ang kanilang hantungan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para ilantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at buong sangkatauhan ay isasaayos ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang mga masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sumasailalim ng kapangyarihan ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, yaong una sa lahat ay pinagsama-sama sa pagkastigo at paghatol, at inihahayag sa mga huling araw, ang lubos na mababago at magagawang ganap ang tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay mapaparusahan nang matindi ang lahat ng makasalanan.
—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang makilala Siya ng tao, at para sa kapakanan ng Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Para sa kapakanan ng Kanyang patotoo, at para sa kapakanan ng Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya sa publiko ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na makilala ang Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang mga pagbabagong iyon sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng nais ng Diyos. Ang pagbabago sa disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging modelo at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang tao na kaayon ng nais ng Diyos. Ngayon, dumating na ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at Kanyang hinihingi sa tao na makamit ang pagkakilala sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya—malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang mga salita at gawain na hindi naaayon sa mga pagkaintindi ng tao, at magpatotoo sa lahat ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao pati na rin ang lahat ng gawang ginagawa Niya na lumulupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay dapat magkaroon ng pagkakilala sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tiyak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakarating na sa pagkakilala sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapailalim sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagtatabas, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali na ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at gayon din ay ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nabago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi niya kailangan ang tao na purihin Siya sa salita lamang, at hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi pa Niya nailigtas. Tanging yaong mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.
—mula sa “Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naunawaan mo na, ipinapayo Ko na magpasakop ka nang masunurin na mahatulan, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na papurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Yaong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring mapadalisay, ibig sabihin, yaong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay kamumuhian at itatakwil ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas marami, at mas mabigat, kaysa roon sa mga Fariseo, sapagkat napagtaksilan nila ang Diyos at naghimagsik sila laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat na magsagawa ng paglilingkod ay tatanggap ng mas mabigat na parusa, isang parusang bukod diyan ay pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang ganitong mga tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito mismo ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao, at pagbubunyag sa kanya? Ipapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan ang masasamang espiritung ito na sirain ang kanilang katawang laman ayon sa gusto nila. Ang kanilang katawan ay mangangamoy-bangkay, at iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan niyaong mga nananalig na hindi-tapat at huwad, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; pagkatapos, sa tamang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hahayaan ang maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto nila, upang hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na makitang muli ang liwanag kailanman. Yaong mga ipokrito na minsang naglingkod ngunit hindi nanatiling tapat hanggang sa huli ay ibinibilang ng Diyos sa masasama, kaya nabubuhay sila sa payo ng masasama at nagiging bahagi ng kanilang nagkakagulong mga tao; sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o naglaan ng anumang pagsisikap, at pupuksain silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos ngunit napilitan dahil sa kanilang kalagayan na humarap sa Kanya nang madalian ay ibinibilang sa mga yaon na naglilingkod para sa Kanyang bayan. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang karamihan ay mamamatay na kasama ng mga yaon na ni hindi nararapat na maglingkod. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na ang isipan ay kaayon ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Gayon ang bungang nakamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain. Patungkol sa mga yaong hindi kabilang sa anumang kategoryang inilatag ng Diyos, ibibilang sila sa mga hindi walang pananalig. At tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasiya kung aling landas ang inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinuman na hindi nakakasabay sa bilis ng Kanyang paghakbang, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.
—mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kapag ang mga bansa at bayan sa mundo ay bumalik na lahat sa harap ng Aking luklukan, agad Kong kukunin ang lahat ng kasaganaan ng langit at ibibigay ito sa mundo ng tao, para, dahil sa Akin, ay mapuno ito ng walang-kapantay na kasaganaan. Ngunit hangga’t ang lumang mundo ay patuloy na umiiral, ihahagis Ko ang Aking galit sa mga bansa nito, hayagang ipoproklama ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:
Kapag humaharap Ako sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at sa gayon ay nakikita nila ang lahat ng Aking ginawa sa buong sansinukob. Yaong mga sumasalungat sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga tumututol sa Akin taglay sa mga gawa ng tao, ay babagsak sa ilalim ng Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati; ang di-mabilang na mga bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming mga bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahatiin at papalitan ng Aking bansa, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at magiging isang bansa na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak, at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nauukol sa diyablo ay lilipulin; lahat ng sumasamba kay Satanas ay ilalapag sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming bayan, yaong mga nasa relihiyosong daigdig, sa iba’t ibang lawak, ay bumabalik sa Aking kaharian, nalupig ng Aking mga gawain, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa puting ulap. Susunod ang buong sangkatauhan sa kanilang sariling uri, at makakatanggap ng mga pagkastigo na naiiba sa kung ano ang kanilang nagawa. Yaong mga kumalaban sa Akin ay malilipol na lahat; para naman sa mga yaon na hindi Ako isinama sa kanilang mga gawa sa lupa, dahil sa paraan nila ng pagpapawalang-sala sa kanilang sarili, patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at ng Aking bayan. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, na nagpapahayag ng Aking sariling tinig sa ibabaw ng lupa upang ipahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata.
—mula sa “Kabanata 26” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang mga taong nakakatayo nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—iyon ay, sa panahon ng huling gawain ng paglilinis—ay mga tao na papasok sa pangwakas na kapahingahan kasama ang Diyos; samakatuwid, ang mga taong pumapasok sa kapahingahan ay lahat nakawala na sa impluwensya ni Satanas at natamo na ng Diyos pagkatapos lang sumailalim sa Kanyang huling gawain ng paglilinis. Ang mga taong ito na lubusang natamo na ng Diyos ay papasok sa huling kapahingahan. Ang kakanyahan ng gawain ng Diyos na pagkastigo at paghatol ay upang linisin ang sangkatauhan, at ito ay para sa araw ng huling kapahingahan. Kung hindi, ang buong sangkatauhan ay hindi makakasunod sa kanilang sariling uri o makapapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan.
—mula sa “Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Kapahingahan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
——————————————————
Malaman ang higit pa:Ang Pagbabalik ng Panginoon
——————————————————
0コメント